Abstract
Nilayon ng pag-aaral na ito na matukoy ang kabisaan ng mga Osipong Bikol bilang modyul upang mapaunlad ang kasanayan sa pagbasang may pag-unawa ng mga mag-aaral sa ikapitong baitang ng V. Bagasina Sr. Memorial High School, Tanggapan ng mga Paaralang Pansangay ng Camarines Sur, taong-panuruang 2023-2024. Ito ay naglayong masagot ang sumusunod na tiyak na suliranin: 1) Ang pangkalahatang antas sa pagbasa ng mga mag-aaral sa ikapitong baitang sa pre-test batay sa sumusunod na aspekto: a. independent, b. instructional, c. frustration, at d. non-reader, 2) Disenyong maaaring gawin upang mapataas ang antas ng pagbasang may pag-unawa ng mga mag-aaral, 3) Ang curricular validity o antas ng pagtanggap ng nabuong kagamitan batay sa sumusunod na pamantayan: a. kaangkupan, b. kasaklawan, at c. varayti ng mga gawain, 4) Ang pangkalahatang antas sa pagbasa ng mga mag-aaral sa ikapitong baitang sa post-test na isinagawa, 5) Kaibahan ng pangkalahatang antas sa pagbasa bago at pagkatapos gamitin ang interbensiyon, 6) Kaugnayan ng resulta ng pre-test at post-test na isinagawa sa pagpapataas ng antas ng pagbasang may pag-unawa ng mga mag-aaral sa Baitang 7, at 7) Kabisaan ng interbensiyong isinagawa sa pagpapataas ng antas ng pagbasang may pag-unawa ng mga mag-aaral.
Ang Descriptive-Comparative Correlational at Research and Development ang ginamit sa pag-aaral na ito kaugnay sa “Pagpapataas ng Kasanayan sa Pagbasang May Pag-unawa Gamit ang mga Osipong Bikol.” Ang kabuoang bilang ng respondents ng pag-aaral na ito ay 132 mag-aaral na kabilang sa apat na seksiyon ng Baitang 7. Dalawa ang ginamit na instrumento sa pananaliksik na ito: ang teacher-made test na ipinagamit sa mga mag-aaral para sa pre- at post-test at ang evaluation checklist na ipinagamit naman sa tatlong gurong nagsilbing valideytor ng modyul na ginawa ng mananaliksik. Samantala, ginamit naman ang sumusunod na statistical tool para sa development at balidasyon ng modyul ng mga Osipong Bikol: Mean, Standard Deviation, Proficiency Level, Weighted Mean, t-Test for Dependent Samples, Pearson Product-Moment Correlation Coefficient, at Cohen’s d.
Batay sa pag-aaral na ginawa ng mananaliksik, narito ang resulta ng pananaliksik: 1) Ang pangkalahatang antas sa pagbasa ng mga mag-aaral sa Baitang 7 gamit ang pre-test ay nakakuha ng Weighted Mean na 28.52, 2) Ang disenyong maaaring gawin upang mapataas ang antas ng pagbasang may pag-unawa ng mga mag-aaral ay pagbuo ng modyul ng mga Osipong Bikol na may sumusunod na bahagi: Mga Kasanayan sa Pagkanood, Panginot na Gibuhon, Pag-urulayan ta, Espasyo Para sa Naintindihan, Panghuring Gibuhon, Mahalagang Punto, Pagirumdom, Ebalwasyon sa Modyul Asin sa Sadiri, Giya sa Pagtsek, at Sanggunian, 3) Ang curricular validity o antas ng pagtanggap ng nabuong modyul batay sa kaangkupan, kasaklawan, at varayti ng mga gawain ay may Weighted Mean na 4.98, 4) Ang pangkalahatang antas sa pagbasa ng mga mag-aaral sa Baitang 7 gamit ang post-test ay nakakuha ng Weighted Mean na 34.45, 5) May makabuluhang pagkakaiba sa pagitan ng pangkalahatang antas ng pagbasa bago at pagkatapos ng pagpapatupad ng interbensyon na may t-stat value na 12.241 at p-value na 0.000, 6) Ang ugnayan sa pagitan ng mga resulta ng pre-test at post-test ay tinutukoy ng isang r-value na 0.851 at p-value na 0.000, at 7) Ang interbensiyong isinagawa sa pagpapataas ng antas ng pagbasang may pag-unawa ng mga mag-aaral ay may resultang 0.605 na Cohen's d.
Mahihinuha rin sa pag-aaral na ito na: 1) Ang antas sa pagbasa ng mga mag-aaral ay maaaring independent, instructional, frustration o non-reader, 2) May angkop na disenyo ng modyul na maaaring gamitin upang higit na mapataas ang antas ng pagbasang may pag-unawa ng mga mag-aaral, 3) Ang antas ng pagtanggap o curricular validity ng nabuong modyul ayon sa kaangkupan, kasaklawan, at varayti ng mga gawain ay maaaring katanggap-tanggap, 4. Maaaring magkaroon ng pag-unlad sa antas ng pagbasa ng mga mag-aaral kung gagamitin ang angkop na interbensiyon sa pagpapataas ng antas ng pagbasa, 5) May pagkakaiba sa pangkalahatang antas ng pagbasa bago at pagkatapos maisagawa ang interbensiyon, 6) May kaugnayan ang resulta ng pre-test at post-test sa pagsagawa ng interbensiyon upang mapataas ang antas ng pagbasang may pag-unawa ng mga mag-aaral sa Baitang 7, at 7) Mabisang gamitin bilang alternatibong kagamitang pampakatuto ang modyul ng mga Osipong Bikol na mabubuo.